Marijuana mapanganib na gamot - PDEA
MANILA, Philippines - Nagbabala ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na isa pa ring mapanganib na gamot ang marijuana o Indian hemp at iligal sa ilalim ng Republic Act 9165, ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ito’y matapos malathala sa isang broadsheet na New York Times News Service sa America ang isang ulat na may titulong “Marijuana brings some families closer”.
Binabanggit sa report ang lumalagong pagtanggap ng marijuana bilang medikal na layunin sa ilang estado sa US.
Ayon kay PDEA Chief Dionisio R. Santiago, sa ibang bansa ang processed cannabis o derivatives nito ay ginagamit upang kontrahin ang sintomas ng pagkahilo, pagsusuka sa panahon ng chemo at radiotherapy, glucoma, multiple sclerosis, AIDS at kawalan ng gana, spinal cord injury at chronic pain management tulad ng severe arthritis at Tourette’s syndrome.
Subalit sa ilalim ng umiiral na batas ng Pilipinas, ang marijuana ay nananatiling isang mapanganib na gamot. Wala anyang medikal na pangangailangan para sa Marijuana sa bansa at walang nakarehistro nito sa Food and Drug Administration para sa pharmaceutical preparations na naglalaman ng Cannabis o anumang kanyang derivatives.
Muling nagbabala si Santiago sa publiko na huwag mag-eksperimento bilang batayan sa paghahandang medikal dahil sila ay tiyak na mahuhuli dahil sa paglabag sa anti-drug law.
- Latest
- Trending