'No work, no pay' sa Oct. 25
MANILA, Philippines - Mahigpit na ipatutupad ang “No Work, No Pay” sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Oktubre 25 alinsunod sa naunang deklarasyon ni Pangulong Aquino na special non-working holiday sa nasabing araw.
Ayon kay Labor Secretary Rosalinda Baldoz, sa ilalim ng special non-wor king holiday, hindi obligado ang mga manggagawa na magtrabaho sa nasabing araw at wala rin silang matatanggap na kaukulang kumpensasyon.
Pero sa mga kompanya namang may umiiral na collective bargaining agreement (CBA) at may mga probisyon patungkol sa kaukulang kumpensasyon tuwing special non-working holidays, may kaukulang bayad na matatanggap ang isang manggagawa kahit hindi pa ito pumasok sa nasabing araw.
Sa mga empleyadong papasok sa naturang araw, tatanggap sila ng 130 percent na dagdag sa kanilang arawang sahod sa unang walong oras at dagdag na 30 percent naman sa bawat oras na sobra sa walong oras na trabaho.
Kapag naka-rest day ang isang manggagawa at pumasok pa rin sa nasabing araw, 150 percent na dagdag ang matatanggap nila sa kanilang arawang sahod sa unang eight-hour work at dagdag na 30 percent pa sa bawat oras na sobra sa walong oras na trabaho.
- Latest
- Trending