MANILA, Philippines - Pinayuhan kahapon ng Malacañang ang dalawang opisyal na sangkot sa madugong August 23 hostage incident na huwag gamitin ang media sa kanilang palitan ng akusasyon.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesman Abigail Valte kahapon, mas makabubuting dalhin ng mga opisyal na ito ang kanilang mga reklamo sa proper venue sa halip na magpalitan ng kanilang akusasyon sa media.
Ang tinutukoy ni Usec. Valte ay sina Manila Mayor Alfredo Lim at dating MPD director Rodolfo Magtibay.
Iginiit ni Magtibay na si Lim ang responsable sa hostage taking bilang chairman ng local crisis committee habang giit ni Lim na si Magtibay ang namamahala sa ground at ipinapaalam lamang ito sa kanya.
Wika pa ni Valte, nagsalita na dito si Pangulong Aquino matapos ang ginawang pagrebyu ng legal team nito sa Incident Investigation and Review Committee (IIRC) report.
Inirekomenda ng Malacañang ang pagsasampa ng simple negligence kay Lim at gross negligence kay Magtibay kaugnay sa Manila hostage crisis.