Signal no. 4 sa Cagayan, Isabela
MANILA, Philippines - Nilagay na sa storm signal no. 4 ang lalawigan ng Cagayan at Isabela habang patuloy pa rin na lumalakas ang bagyong Juan.
Base sa latest weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 390 kilometro, silangan ng Aparri, Cagayan.
Taglay na ni “Juan” ang lakas ng hangin na 225 kilometer per hour (kph) mula sa gitna at pagbugsong umaabot ng 260 kph.
Patuloy namang tinatahak ng bagyo ang pangkalahatang direksyon patungong kanluran sa bilis na 22 kph.
Ayon sa PAGASA, sa ilalim ng storm warning no. 4, mararanasan ang hagupit ng hangin sa lakas na 185 kph sa loob ng 12 oras.
Nasa storm warning signal no. 3 naman ang Calayan at Babuyan group of islands, Batanes, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Quirino at northern Aurora. Ang naturang mga lugar ay makakaranas ng hangin na may lakas na 101-195 kph.
Habang nakataas ang storm warning signal no. 2 sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, Abra, La Union, Benguet, Nueva Vizcaya at natitirang bahagi ng Aurora. Mararamdaman ang ihip ng lakas ng hangin sa pagitan ng 61-100 kph.
Signal no. 1 sa Pangasinan, Tarlac, Nueva Ecija at Polilio Island. Ang hangin nito ay aabot sa 30-60 kph sa loob ng 36 oras.
Sinasabing inaasahang magla-landfall ang bagyo sa Cagayan province, ngayong umaga at inaasahan ding lalabas ito ng Ilocos Norte sa bandang hapon.
Ayon pa sa pamunuan, dadaan ang mata ng bagyo sa Cagayan, Apayao at Ilocos Norte.
Kargado naman ng aabot sa 20 millimeters per hour ang ulan na dala ng bagyong Juan.
Pinayuhan din ang mga residenteng malapit sa mga baybayin sa ilalim ng signal no. 4, 3 at 2 na maging alerto sa posibleng storm surges.
Ang public and disaster coordinating councils ay pinayuhan na gumawa ng kaukulang aksyon, monitor at mag-update sa mga susunod na news advisory kaugnays sa bagyo.
Samantala, sinuspinde na ng DepEd ang mga klase sa pre-school, elementary, high school at college sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa mga lugar na nakataas ang signal nos. 4, 3 at 2.
- Latest
- Trending