DAR Chief sinisingil na ng magsasaka
MANILA, Philippines - Sinisingil na ng mga magsasaka ng Negros Oriental si Agrarian Reform Secretary Virgilio de los Reyes sa pangako nitong agarang ipag-uutos ang pagpapabalik sa kanila sa 61-ektaryang lupain na dating pag-aari ng pulitikal na angkan ng mga Teves.
Sa opisyal na pahayag ng Task Force Mapalad (TFM), sinabi ng mga magsasakang benepisaryo ng repormang sakahan na ipinangako sa kanila ng kalihim na ibabalik sila sa naturang lupain na isinailalim noon sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
Pag-aaralan lamang muna umano ng kalihim ang kaso at ipoproseso ang kanilang mga kahilingan sa loob ng 15-araw.
Nabatid na ang mga magsasaka mula sa dating lupain ng mga Teves ang isang grupo na nagkakampo ngayon sa harap ng Department of Agrarian Reform (DAR) central office sa Quezon City.
Nais ng mga itong tapusin na ng ahensiya ang hidwaan sa pag-aari at kontrol ng naturang lupain.
Hiniling ng kalihim sa mga magsasaka noong Setyembre 29 na bigyan lamang siya ng 15-araw para pag-aralan at desisyunan ang kaso. Pumayag naman ang mga magsasaka ngunit magpahanggang sa oras na isinusulat ang balitang ito ay wala pang tugon si de los Reyes.
- Latest
- Trending