MANILA, Philippines - Nagpahayag ng kahandaan si Cebu Archbishop Ricardo Cardinal Vidal na makulong at sumuway sa batas, sakaling tuluyang ipasa sa Kongreso at maisabatas ang kontrobersiyal na Reproductive Health (RH) bill na mahigpit na tinututulan ng Simbahang Katoliko.
Mangunguna rin aniya siya sa mga kilos-protesta upang tutulan ang naturang batas.
“I will be the first to go to jail because I will be the first to break the law. My friends, will you come with me?” anang Cardinal, sa kaniyang homiliya, sa isang Banal na Misa na pinangunahan nito sa Cebu.
Si Vidal ay isa sa mga opisyal ng simbahan na nakipag-dayalogo kay Pangulong Aquino nitong nakaraang Martes hinggil sa reproductive health issue.
Naging maayos naman umano ang resulta ng pag-uusap kung saan nilinaw ni P-Noy na suportado niya ang responsible parenthood at informed choice, ngunit hindi ang RH bill.
Anang punong ehekutibo, suportado rin niya ang paggamit ng artificial contraception dahil ang mga mag-asawa naman ang magdedesisyon kung ano ang family planning method na nais nilang gamitin.
Nanindigan naman ang mga Obispo na ang tanging susuportahan nila ay ang natural family planning lamang at mananatili silang tutol sa paggamit ng artificial birth control method, na maaari anilang maging dahilan nang pagtaas ng kaso ng aborsiyon sa bansa.