MANILA, Philippines - Nakapasok na sa bansa ang bagyong Juan at patuloy na lumalakas habang tinutumbok ang hilagang Luzon.
Ayon kay Nathaniel Servando, deputy administrator ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), magiging isang super typhoon si “Juan” kapag ito ay nag-landfall na sa Cagayan bukas.
Si Juan ang tinataya ng ahensiya na pinaka malakas na weather disturbance sa ngayon. May dala itong ulan na kasing-dami ng “Ondoy” at hanging mas malakas pa kay “Basyang”.
“Siya ang pinakamalakas so far, pero for this year ang projection namin may mga malalakas na bagyo pa na darating,” sabi ni Servando.
Sa latest monitoring ng PAGASA, si Juan ay nakapasok sa Philippine area of responsibility bandang ala-una ng madaling-araw kahapon at patuloy na lumalapit sa Cagayan Valley region.
Namataan ito may 880 kilometro silangan ng northern Luzon at inaasahang tatama sa kalupaan bukas o Lunes ng hapon sa bayan ng Sta. Ana, Cagayan.
Ito ay kumikilos sa bilis na 24 kilometro bawat oras papunta sa direksiyon ng kanluran hilagang kanluran taglay ang pinaka malakas na hanging 140 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso hanggang 170 kilometro bawat oras.
“So by Monday, we are looking at 200 plus kph. Ito talaga ang nakababahala dahil kapag lumampas sa 200 kph ang hangin, isa na itong super typhoon,” pahayag pa nito.
Normal anyang malalakas ang bagyo sa huling tatlong buwan ng bawat taon pero mas malakas ngayon dahil ito ay natapat sa panahon ng La Niña phenomenon.
Anya, ang bansa ay dinadalaw ng 22 hanggang 23 bagyo kada taon at si Juan ang ika-10 bagyo.
Nilinaw naman ng PAGASA na ang naranasang malakas na pag-ulan kahapon sa Metro Manila ay hindi dahil kay Juan.