MANILA, Philippines - Nilinaw kahapon ng tanggapan ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo na ang P2.2 billion halaga ng mga flood-control at road projects sa Pampanga ay noon pang Marso 1996 naaprubahan at hindi noong kaniyang panunungkulan bilang Presidente.
Ayon sa tagapag-salita ni Arroyo na si Elena Bautista-Horn, ang loan para mapondohan ang flood control projects ay nilagdaan sa pagitan ng Pamahalaan noon at ng Japan International Cooperation Agency (JICA).
Ang mga proyekto, na nasa ilalim ng Mt. Pinatubo Hazard Urgent Mitigation Project Pampanga Phase II, ay nagkakahalaga ng P1.4 billion.
Ang Pampanga ay isang “catch-basin” o bagsakan ng tubig-baha sa Central Luzon, kaya’t ito ay dati nang nakikinabang sa mga flood-control projects kahit na noong Ramos at Estrada administrations pa, sabi ni Horn.
Nauna rito, inihayag ni Akbayan Rep. Walden Bello na ginawa ni Arroyo ang budget para sa 2nd district ng Pampanga noong ito ay Pangulo pa lamang para matiyak na P2.2 bilyong proyekto ay mapupunta sa kaniyang distrito.