MANILA, Philippines - Dapat na umanong alisin ang batas hinggil sa common poster areas, o yaong nagbabawal sa paglalagay ng mga campaign posters sa mga ipinagbabawal na lugar.
Ayon kay Comelec Law Department Head Atty. Ferdinand Rafanan, mistula namang walang silbi ang naturang batas kaya kung siya aniya ang tatanungin ay mas nais niyang tanggalin na lamang ito.
Paliwanag ni Rafanan, nagiging katatawanan lamang ang Comelec dahil kahit anong paalala ang gawin nila sa mga kandidato ay hindi sinusunod ng mga ito ang naturang batas at kahit saang lugar ay nagkakabit pa rin ng kanilang campaign materials.
Aminado rin si Rafanan na hanggang ngayon ay wala pa silang napaparusahan dahil sa paglabag sa naturang batas.