Crisis Manual pinababasura
MANILA, Philippines - Upang huwag nang maulit ang madugong Manila Hostage Crisis, balak ng Malacañang na ibasura na ang lumang Crisis Management Manual (CMM) na hindi na nakatutugon sa pangangailangan sa kasalukuyang panahon.
Ayon kay Executive Secretary Paquito N. Ochoa, Jr. sa direktiba ni Presidente Noynoy Aquino, babaguhin ang 10-year old CMM na inisyu noong 2000 bilang tugon sa mga lumabas na isyu kaugnay ng paghawak sa August 23 hostage crisis. Naiirita na umano ang Pangulo sa mga batikos na tinatanggap ng Palasyo kaugnay ng usapin.
Ani Ochoa, naniniwala ang Pangulo sa isang komprehensibong paraan upang epektibong makatugon sa isyung maaaring sumulpot sa mga kahalintulad na insidente ng hostage taking.
Dapat din anyang magkaroon ng isang sistemang maaaring baguhin upang umakma sa pangangailangan ng panahon para tumugon sa mga sari-saring krisis na maaaring maganap. Nasa final stage na ang Palasyo sa pagrerebisa sa nasabing CMM.
- Latest
- Trending