NCRPO chief sinibak!
MANILA, Philippines - Tinanggal na bilang hepe ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) si P/Director Leocadio Santiago Jr. makaraang sampahan ng kasong administratibo sa National Police Commission (Napolcom) kaugnay sa palpak na Luneta hostage crisis.
Papalit kay Santiago si Calabarzon Regional Director Chief Supt. Nicanor Bartolome sa oras na maaprubahan ng Comelec ang “special request” para sa paglilipat ng opisyal ng PNP dahil sa umiiral na election ban.
Nabatid na higit dalawang buwan lamang nagserbisyo sa NCRPO si Santiago kung saan umupo ito sa puwesto noon lamang Agosto 3. Agad na naharap ito sa kontrobersya ukol sa isyu ng torture ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) at ang naganap na hostage crisis kung saan inirekomenda siyang kasuhan ng “grave neglect of duty”.
Sinabi ni Santiago na inaasahan na niya ang pagtanggal sa kanya sa posisyon at inumpisahang maghakot na ng mga gamit mula nitong nakaraang Miyerkules pa.
Pansamantalang itatalaga muna ito sa ilalim ng Office of the Chief PNP sa Camp Crame habang dinidinig ang kanyang kaso sa Napolcom.
Bukod kay Santiago, ililipat rin sa Camp Crame ang iba pang akusado sa hostage na si dating MPD Chief Chief Supt. Rodolfo Magtibay habang ang hostage negotiator na si Supt. Orlando Yebra at dating SWAT Chief P/Chief Insp. Santiago Pas cual ay mananatili sa NCRPO Headquarters sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
- Latest
- Trending