Wala akong ginawang mali sa hostage - Mercy

MANILA, Philippines - Pinalagan ni Ombudsman Merceditas Gutierrez ang umano’y tangka ng ilang sektor na idawit ang Office of the Ombudsman sa palpak na Manila hostage crisis na ikinasawi ng walong turistang taga-Hong Kong at ng hostage-taker.

Sa isang panayam sa deliberasyon ng 2011 national budget, sinabi ni Gutierrez na walang basehan ang rekomendasyon ng Malacanang na isama sila ni Deputy Ombudsman Emilio Gonzales III sa mga dapat managot sa hostage crisis.

“Mukhang hindi naman yata tama na idawit ang opisina ng Ombudsman. Ako at si Gonzales. Paano naman nagkaron ng paglabag sa batas ang Ombudsman. Sa sinasabi naman nila tungkol kay Deputy Ombudsman Gonzales, mayroon kaming sariling board, ang tawag namin diyan ay internal affairs board na siyang nag-iimbestiga ng mga kaso sa mga opisyal below me at empleyado ng Office of the Ombudsman,” sabi ni Gutierrez.

Nanindigan si Gutierrez na wala siyang ginawang mali sa nakaraang hostage taking. Hindi anya trabaho ng Ombudsman na makipag-negosasyon at hindi rin anya siya nagsisisi sa kanyang desisyon na tanggihan ang hinihingi ng hostage taker na si dating Police Sr. Insp. Rolando Mendoza na makabalik sa serbisyo.

Karampatang parusa o aksiyon ang inirekomenda kay Gutierrez dahil sa naging papel nito sa hostage habang neglect of duty at gross misconduct ang kay Gonzales.

“Mayroon kaming kasalukuyang imbestigasyon and I asked the panel at mukhang mayroon na silang maisusumite sa akin very soon and they will be able to meet the deadline,” said Gutierrez.

Show comments