MANILA, Philippines - Isa na namang multi-million anomaly ang nabunyag sa Smokey Mountain at Harbor Center area matapos madiskubre na nagbenta umano ng lupa ng gobyerno ang kontraktor para sa development sa dating tambakan ng basura at daungan.
Sa dokumento ng National Housing Authority (NHA) at Home Guaranty Corporation (HGC), gamit ang kompanyang Sunglow Land Incorporated (SLI), ipinagbili umano ng RII Builders ang mahigit apat na libong metro-kuwadrado ng lupa sa Vitas, Tondo sa halagang P6,000 per square-meter.
Sa Deed of Sale na may petsang September 2, 2002 at February 26, 2004, nabatid na ipinagbili ng SLI sa MMG Resources, Inc. ang lote gayong umaabot na sa mahigit P17,000 hanggang P25,000 ang market price ng lupa sa naturang lugar.
Sa kabuuan, umabot lamang umano sa P25 milyon ang pinagbentahan sa lupa na pag-aari ng gobyerno.
Kaugnay nito, kinuwestiyon ng NHA at HGC officials ang mapangahas na aksiyon ng RII Builders dahil wala umano itong karapatang magbenta ng lupang ipinade-develop lamang sa kanila ng gobyerno.
Pinag-aaralan na ng dalawang ahensiya ang pagsasampa ng kaso laban sa R2 Builders dahil sa umano’y illegal at paluging pagbebenta ng government property.