DSWD ginisa ni Rep. GMA sa budget hearing
MANILA, Philippines - Ginisa ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo ang dati niyang kaibigan at dating miyembro ng kanyang Gabinete na si Department of Social Welfare and Development Secretary Dinky Soliman dahil sa pangangapa nito sa sariling version ng administrasyong Aquino sa conditional cash transfer.
Sa isang pahayag sa isang pagdinig kamakailan ng Kongreso sa panukalang 2011 national budget, tinuran ni Arroyo sa mga opisyal ng DSWD sa pangunguna ni Soliman na ang CCT ay nakasandig sa kundisyon na ang mga mahihirap na pamilya ay makakatanggap lang ng tulong na pera kung titiyakin nila na regular nilang pag-aaralin ang kanilang mga anak at sasailalim sa regular maternal at young children’s health check up.
Sa CCT na naunang proyekto ng dating administrasyon ni Arroyo, binabayaran ng DSWD ang cash transfer para sa P500 per month per household at P300 per month per child for 10 months a year, with a maximum of P1,400 per month. Sa pagtatapos ng 2009, milyong bahayan ang nakinabang sa programa.
Sinasabi ng DSWD na target nito na maabot ang 1.3 milyong pinakamahihirap na pamilya sa taong 2011 pero pinuna ni Arroyo na, sa maliit na budget ng departamento, malabo nilang masunod ang mga kundisyon sa sarili nitong cash transfer program.
Pinuna ni Arroyo na mawawalan ng saysay ang hangarin ng pro-poor program dahil sa pagkabigo ng administrasyong Aquino na maglaan ng counter-part budget para matiyak ang tagumpay ng CCT program.
- Latest
- Trending