Kampanya sa Barangay, SK simula na
MANILA, Philippines - Maaari nang makapangampanya simula ngayong araw ang mga kandidato para sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections na nakatakdang idaos sa Oktubre 25.
Sa ipinalabas na Calendar of Activities ng Comelec, ang campaign period ay magsisimula ngayong Oktubre 14, Huwebes, na tatagal hanggang Oktubre 23 o dalawang araw bago ang halalan.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ng Comelec ang mga kandidato na sumunod sa mga panuntunang ipinatutupad ng poll body para sa campaign period.
Kabilang dito ang paggamit sa pangangampanya ng mga posters na may sukat lamang na 2X3 feet na dapat ipaskil lamang sa mga deklaradong common poster area ng Comelec tulad ng plaza, palengke, barangay center, at mga kahalintulad na lugar.
Batay sa Comelec Resolution 9043, hindi bababa sa 10 common poster area ang tutukuyin ng election officer sa bawat barangay, kung saan maaaring magpaskil ng kanilang campaign materials ang mga kandidato.
Gayunman, bawat kandidato ay papayagan lamang umanong maglagay ng tig-isang poster sa bawat common poster area.
Ang mga streamers naman na gagamitin para sa mga public meeting o rally ay dapat na hindi lalampas sa 3X8 feet ang laki.
Maaari umano itong ipaskil sa lugar na pagdarausan ng pagtitipon, limang araw bago ang pulong o rally, ngunit dapat na alisin sa loob ng 24 oras matapos ang okasyon.
Mahigpit ring ipinagbabawal ng Comelec ang paglalagay ng mga campaign materials sa mga kalsada, tulay, public structure o building, puno, poste at kable ng kuryente, paaralan, mga shrine, pangunahing lansangan at mga kahalintulad nito.
Ang campaign period ay inaasahang magtatagal hanggang sa Oktubre 23 o dalawang araw bago ang mismong election day. (Doris France/Mer Layson)
- Latest
- Trending