MANILA, Philippines - Anim na Pinoy ang nasawi nang bumagsak at sumabog ang kanilang sinasakyang C-130 cargo plane sa bulubundukin ng Kabul, Afghanistan kamakalawa ng gabi.
Ayon sa ulat na nakarating sa Department of Foreign Affairs, kinumpirma ng Afghanistan’s Ministry of Transport and Civil Aviation na walong crew na kinabibilangan ng anim na Pinoy, isang Indian at isang Kenyan ang namatay sakay ng nasabing eroplano na ini-operate ng US-based company sa Afghanistan.
Limang katawan na pawang sunog na sunog ang narekober na ng mga awtoridad sa isinasagawang search and rescue operations sa Kabul kahapon.
Patuloy pang hinahanap ng NATO at Afghan security forces ang tatlo pang mga biktima.
Base sa report, ang eroplano na naglalaman ng goods at patungong Kabul ay umalis mula sa Bagram, isa sa pinakamalaking US-run military bases sa Afghanistan may 60 kilometro sa norte ng Kabul.
Nabatid na nawala mula sa radar system ang nasabing cargo plane.
Ang sinasakyang military C-130 cargo plane ng walong crew ay nag-take off sa Bagram Air Field, isang US military base sa Afghanistan dakong alas-8 ng gabi noong Martes at sinasabing maayos naman ang lagay ng panahon nang ito ay umalis.
Nakita sa crash site ang wreckage ng eroplano na nagkalat ng may daang metro ang layo at pagitan sa bundok na kinabagsakan nito sa Kabul.
Ayon naman kay Nangyalai Qalatwal, tagapagsalita ng ministry of transport and civil aviation ng Afghanistan, posibleng patay nang lahat ang sakay ng bumagsak na eroplano, dahil matapos ang pagbagsak at pagsabog ay nanatili pa ring naglalagablab ang apoy sa crash site, sa loob ng dalawang oras.
Sa kabila naman nito, hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang mga rescue teams na may makikita silang survivor sa plane crash.