Amnesty kay Trillanes inaprub ni P-Noy
MANILA, Philippines - Nilagdaan na ni Pangulong Noynoy Aquino ang proklamasyon na magkakaloob ng amnestiya kay Sen. Antonio Trillanes IV at sa may 300 opisyal at sundalo na lumahok sa tatlong pag-aaklas bilang hakbang tungo sa reconciliation.
Ayon sa Pangulo, nilagdaan niya ang Proclamation No. 50 kamakalawa at naipadala na niya ito sa Kamara at Senado para sa concurrence nito upang maging epektibo ang amnestiya sa mga sundalo at opisyal na lumahok sa 2003 Oakwood mutiny, Manila Peninsula siege at Marine stand-off.
Sinabi naman ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, sa ilalim ng Proclamation No. 50 ay inaalis nito ang criminal liability ng mga lumahok sa 3 pag-aaklas.
Ang Oakwood mutiny ay naganap noong July 2003 na pinamunuan ni Sen. Trillanes, ang Marine Stand-off ay naganap noong Feb. 2006 sa pamumuno ni ex-Col. Ariel Querubin at ang Manila Peninsula siege ay naganap noong Nov. 29, 2007 sa pamumuno nina Trillanes at dating Gen. Danilo Lim.
Wika ni Sec. Lacierda, ang mga enlisted personnel na mag-aaplay ng amnestiyang ito ay puwedeng makabalik sa AFP habang ang mga opisyal naman ay hindi na maaaring makabalik sa pagiging sundalo.
Sa kasalukuyan ay 153 kongresista at 17 senador ang nagpakita ng pagsuporta sa Proclamation no. 50 o pagkakaloob ng amnestiya sa mga Magdalo soldiers na lumahok sa 3 pag-aaklas.
Nilinaw ni Lacierda na ito ay bahagi ng reconciliation ng Aquino administration at walang halong pang-aasar sa nakaraang administrasyon kung saan ang 3 military adventurism ay naganap.
Aniya, kahit hindi pa nadedesisyunan ng korte ang mga kaso nito kabilang ang court martial ay puwedeng mabigyan ng amnestiya ang mga sundalo at mawawala na ang kanilang criminal liability.
Sinabi pa ni Lacierda, nagpadala ng liham ang mga Magdalo soldiers kay P-Noy bukod sa resolusyon na nilagdaan ng 16 na senador na nais ilagay sa custody ng Senado si Sen. Trillanes upang makadalo sa sesyon at magampanan ang kanyang trabaho.
Napag-alaman na nagtungo kamakailan ang ilang miyembro ng Magdalo soldiers kay Aquino sa Malacanang at nais nilang mabigyan ng amnesty ang kasamahan nilang nakakulong kabilang si Sen. Trillanes.
Ayon naman kay AFP Spokesman Brig. Gen. Jose Mabanta, irerespeto ng AFP ang desisyon ni P-Noy na bigyan ng amnestiya ang mga mutineers na pinangungunahan ni Trillanes.
“We respect the decision coming from the Commander-in-Chief. We are certain that whatever its intent is basically geared towards lasting peace throughout the country,” pahayag ni Mabanta.
Sina Trillanes at mga kasamahan sa Magdalo ay hindi humingi ng tawad kay dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo dahil para sa kanila ang kanilang pinaglaban ay nararapat lamang dahil sa tingin nila hirap na ang mamamayan Filipino at maging ang mga sundalo. (Dagdag ulat nina Butch Quejada at Joy Cantos)
- Latest
- Trending