Pag-IBIG manager ng Pampanga itinuro sa Globe Asiatique isyu
MANILA, Philippines - Posibleng madiin ang dating Pag-IBIG branch manager ng Pampanga kaugnay sa kontrobersya ng Globe Asiatique housing project nito sa nasabing lalawigan.
Ayon kay dating Pag-IBIG chief executive officer Jaime Fabiana sa pagharap nito sa pagdinig ng Senado noong nakaraang linggo ay maraming dapat ipaliwanag hinggil dito si Bayani Garcia na dating branch manager ng Pag-IBIG sa Pampanga.
Wika pa ni Fabiana, si Garcia ang dapat magpaliwanag hinggil sa umano’y lapses upang maproteksyunan ang trust fund mula sa Globe Asiatique isyu.
Aniya, si Garcia ang may kontrol at dapat nagpatupad ng mga hakbang upang masiguro na kapakanan ng trust fund mula sa Globe Asiatique realty corporation na nagdevelop ng Xevera homes sa Mabalacat at Bacolor.
“He (Garcia) did not follow the rules (in checking the veracity of alleged Pag-IBIG borrowers),” giit ni Fabiana sa hearing ng Senado.
Itinanggi naman ni Globe Asiatique president Delfin Lee na nanloko ang kanyang kumpanya dahil above-board ang transaksyon nila.
Ayon kay Lee, nakatupad sa mga guidelines ng Pag-IBIG ang kanyang kumpanya at wala silang intensyong manloko.
“Not a single centavo has been lost by Pag-IBIG. All accounts are collaterized,” giit pa nito.
Nilinaw din nitong walang nakuhang special treatment ang kumpanya nito sa Pag-BIG fund at handa ang kanilang kumpanya na ayusin ito dahil karamihan sa mga buyers ng kanilang units na inakalang ghost members ng Pag-IBIG ay mga OFW’s.
- Latest
- Trending