MANILA, Philippines - Nakatakdang magtungo ngayon at humingi ng tulong kay National Press Club (NPC) President Jerry Yap ang isang babaeng negosyante dahil umano sa panggigipit ng isang tabloid reporter at columnist.
Sa isang media interview sa Maynila kahapon, hinihiling ni Cristina Lu, isang importer, at kanyang abogado na makausap si NPC President Yap ngayong araw na ito dahil ayaw umano siyang tigilan ng kolumnista.
Sabi ni Lu, hindi na niya matiis ang paghihirap ng kanyang kalooban dahil idinawit pa ng kolumnista ang kanyang asawa’t-anak. “Below the belt na ang kanyang ginagawa, kaba bae ko pa namang tao. Kuwarta lang naman ang gusto niya,” bulalas ni Lu.
Inihahanda na ni Lu ang demandang “attempted robbery-extortion.”
Giit niya, hindi kilala bilang lehitimong reporter o kolumnista sa Bureau of Customs beat ang kolumnista.
Tinuran lamang ni Lu na ang kolumnista ay nakilala sa taguring “Mansanas & Chocolates King” matapos ang isa niyang extortion attempt na nabulilyaso at una na ring naaresto ng NBI.