MANILA, Philippines - Hinikayat ng kumpanyang Belgian na Baggerwerken Decloedt & Zoon (BDZ) ang mga residente ng Metro Manila at yaong mga naninirahan sa Marikina Watershed na pangalagaan ang Ilog Pasig upang mabawasan ang siltation at mabuhay itong muli.
Nagpayo ang BDZ noong Sabado ng gabi, nang pormal na matapos nito ang dredging ng 17-kilometrong haba ng ilog at ipagkaloob na sa Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) ang proyekto sa isang seremonya sa Makati Park malapit sa Guadalupe Ferry Station.
Ayon sa mga opisyal ng BDZ, sa proyektong natapos ng una ng dalawang buwan sa itinakdang panahon, nakarekober ang kumpanya ng 2.5 milyong cubic meters ng silt mula sa ilog at napalalim ito upang makaraan ang mga mala laking bangka at barges.
Ang mas malalim na Ilog Pasig ay kinakailangan upang madagdagan ang water holding capacity nito at mabawasan ang pagbaha sa Kalakhang Maynila.
Ang BDZ ay siya ding kumpanya na nagpanukala at nagplano ng dredging project para sa 94,900-ektaryang Laguna Lake, isang catch basin na kailangang mapalalim upang malunasan ang pagbaha sa National Capital Region (NCR), Laguna at karatig na lalawigan.
Nagpasalamat ang BDZ sa DENR at mga local government officials sa pagsuporta sa proyekto, na binigyan ng tulong pinansyal ng pamalaan ng Belgium.