MANILA, Philippines - Tinukoy kahapon ng Philippine National Police (PNP) na ang pagkahumaling sa mga internet social networking sites, partikular na ang Facebook at mga unlimited text and calls promos sa mga cellphones ang dalawa sa mga pangunahing dahilan sa pagtaas ng bilang ng mga kaso ng panggagahasa sa bansa.
Ayon kay PNP-Women and Children Protection Center Director, Chief Supt. Yolanda Tanigue, marami sa mga kaso ng rape na kanilang nahawakan ngayon taon ay nag-ugat sa pakikipag-kaibigan ng mga biktima sa mga hindi kakilala sa pamamagitan ng facebook at text messages.
Sinabi ni Tanigue na sa unang semestre pa lamang ng 2010 ay umaabot na sa 1,724 kaso ng rape na ang karamihang mga biktima ay mga menor de edad.
Aniya, nagaganap ang panggagahasa kapag nakipagkita na ang biktima sa bagong kaibigan, na may malaswang motibo.
Ang posisyon ni Tanigue ay kinatigan naman ni Dra. Bernadette Madrid, Executive Director ng Child Protection Network.
Sinabi ni Madrid na halos 60% ng mga kaso ng rape na kanilang hinawakan ay bunga ng online sexual seduction o pang-aakit sa pamamagitan ng pakikipag-chat sa internet.
Idinagdag pa nito na nagagawa ng mga kabataan na makipag-kaibigan kung kani-kanino sa pamamagitan ng cellphone dahil sa mga unlimited text and calls promos ng mga service providers.
Nabatid pa sa istatistika ni Tanigue na 100% na ang itinataas ng bilang ng mga rape cases ngayon taon kumpara sa naitala sa kabuuan noong 2009.
Noong 2007 ay nasa 2,402 ang kasong rape na naitala, 2,935 noong 2008; 3,018 nitong 2009 at kapansin-pansin na umarangkada o lumobo sa unang bahagi pa lamang ng 2010.