MANILA, Philippines - Hinamon kahapon ni Senate President Juan Ponce Enrile ang pamunuan ng Pag-IBIG fund na kasuhan ng falsification of public document ang may-ari ng Globe Asiatique Realty Corporation.
Sinabi ni Sen. Enrile, ito ay dahil sa mga kuwestiyonableng borrowers na umaabot sa 1,965 na hinihinalang inimbento lang ang mga dokumento kaya nakapangutang sa Pag-IBIG.
Sa joint hearing kahapon ng Senate Committees on Banks, Financial Institutions and Currencies at ng Urban, Planning, Housing and Settlement, iginiit ni Enrile na dapat sampahan ng kaso si Delfin Lee, may-ari ng Globe Asitique Realty Corporation at palutangin ang mga sinasabing borrowers.
Tinawag pa ni Enrile na balasubas ang transaksiyon sa pagitan ng Pag-IBIG fund at ng kumpanya ni Lee na nakapangutang sa gobyerno ng bilyon-bilyong piso.
Iginiit pa ni Enrile na kunan ng mga affidavits ang sinasabing borrowers upang masampahan ng kaso si Lee.
Hinala pa ni Enrile, may nangyaring sabwatan sa pagitan ng Pag-IBIG at ng Globe Asiatique nang maaprubahan ang pilot project ng kumpanya na Xevera housing projects sa Bacolor at Mabalacat, Pampanga.
Ayon kay Emma Linda Faria, deputy chief executive officer ng Pag-IBIG, sa ngayon umaabot na sa kabuuang 9,965 accounts ang nasa Xevera Housing projects na nagkakahalaga ng P6.68 bilyon. Nasa 351 buyers na umano ang umatras sa kanilang housing loan. Sa 1,965 borrowers, 944 na ang nagsabi na hindi sila nangutang samantalang marami rin sa mga ito ang hindi na mahagilap ng Pag-IBIG.
Itinanggi naman ni Lee na dumalo sa hearing na niloko ng kanyang kumpanya ang Pag-IBIG fund.
Inamin ni dating Vice-President Noli de Castro na inaprubahan ng ahensiya ang proyekto dahil naaayon naman ito sa charter ng Pag-IBIG
Pero inamin ni De Castro sa isang panayam matapos ang hearing na posibleng nagkaron ng kasabwat sa loob ng ahensiya ang Globe Asiatique kaya madaling nakakakuha ng loans.