MANILA, Philippines - Apat na Pinay nurse ang dinukot at ginahasa ng grupo ng mga kalalakihan sa magkahiwalay na insidente sa Saudi Arabia kung saan isa sa mga biktima ay namatay.
Sa nakalap na ulat kay Kapatiran sa Gitnang Silangan (KGS) Chairperson Eric Jocson na nakabase sa Riyadh, ang unang Pinay ay nagtatrabaho sa Riyadh Kharj Hospital.
Pauwi na sa kanyang tirahan mula sa naturang ospital ang biktima nang maiwan ng kanilang company service bus. Dahil dito, sumakay na lamang ng taxi ang Pinay pauwi at habang nasa biyahe ay biglang inihinto ng driver ang sasakyan at biglang sumakay ang isang di kilalang lalaki.
Kinabukasan, natagpuan na lamang ang Pinay nurse sa disyerto at nasa 50-50 kondisyon. Nakitaan agad ng indikasyon na siya ay hinalay at dumanas ng pambubugbog bunga ng mga sugat at pasa sa katawan.
Isinugod sa RKH Hospital ang biktima subalit dalawang linggo pagkaraan ng pagkaka-confine sa ospital ay idineklara itong patay.
“Two weeks after, the Pinay nurse has been pronounced dead while confined in the hospital,” ani Jocson.
Samantala, ang ikalawang insidente ng pagdukot at panggagahasa ay naganap sa tatlong hindi pinangalang Pinay nurses na pawang nagtatrabaho sa National Guard Hospital sa Riyadh.
Ayon sa mga testigo, ang tatlong Pinay nurse ay naglalakad patungo sa isang department store upang bumili ng ilang kagamitan nang biglang hintuan ng isang sasakyan at puwersahang isinakay ng ilang kaalakihan.
Matapos ang ilang araw, ang tatlo ay natagpuan na lamang sa isang pribadong lugar sa Riyadh. Nakumpirma naman sa ipinalabas na eksaminasyon sa mga biktima na sila ay na-gang rape bunga ng maraming lacerations o sugat sa kanilang ari.
Sinabi ni Jocson na sa kasalukuyan ay wala pang suspek ang nakikilala ng mga awtoridad.
“We are certain that the RP embassy in Riyadh have already heard or have been informed of such barbaric incidents which victims are Pinay nurses; what worrying us is that we are not certain if the RP embassy officials have conducted their own thorough investigations on the 2 separate incidents of abduction and rape,” dagdag ni Jocson.
Bunga nito, kinalampag ni Migrante-Middle East regional coordinator John Leonard Monterona at ng kanyang grupo ang Embahada upang agad na kumilos para sa katarungan sa apat na Pinay nurse na walang awang pinagpasasaan ng mga hinihinalang Saudi nationals.