'Notice to proceed' giit sa Laguna lake rehab
MANILA, Philippines - Nanawagan ang Kilusang Lawa Kalikasan (KLK) sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na maglabas ng notice to proceed para sa P18.7-bilyong Laguna Lake Rehabilitation Project.
Iginiit ni KLK spokesperson Gil Navarro na ang mga babala ng Pagasa na ang La Nina ay magdudulot ng malakas na pag-ulan sa mga susunod na buwan ay nararapat na mag-udyok kay Environment Secretary Ramon J. P. Paje na bigyan ng green light upang masimulan na ang dredging ng 94,900-ektaryang Laguna de Bay.
Ani Navarro, nauubos na ang panahon at yaong mga nagpapabagal sa proyekto ay dapat na panagutin sa pinsalang idudulot ng baha na tiyak na daranasin ng Laguna at ng Kamaynilaan kung hindi pa sisimulan ang paghukay sa lawa.
Binigyang-diin ni Navarro na nasa 13 milyon hanggang 14 milyon ang namumuhay sa paligid ng lawa at karatig na National Capital Region (NCR) at kung patuloy na sasama ang kalagayan ng Laguna de Bay at ang kapasidad nitong humawak ng tubig ay hindi mapapainam, lahat ng mamamayan sa Lake Region at higit pa ay magdurusa.
- Latest
- Trending