MANILA, Philippines - Iligal at labag umano sa Saligang Batas ang impeachment proceedings na isinasagawa ng House Committee on Justice laban kay Ombudsman Merceditas Gutierrez dahil pinagkaitan umano siya ng due process.
Kapwa hiniling sa Mataas na Hukuman nina dating SC Associate Justice Serafin Cuevas at Atty. Anacleto Diaz, legal counsels ni Gutierrez na ipawalang-bisa ang mga resolusyon ng Committee on Justice na nagdedeklara sa dalawang reklamo ng pagpapatalsik ng Ombudsman na ‘sufficient in form and substance’.
Ayon kay Gutierrez, dapat magbitiw si House Justice Committee Chairman at Iloilo Rep. Niel Tupas Jr. sa paghawak sa kaso dahil nakasuhan ng Office of the Ombudsman ng kasong katiwalian sa Sandiganbayan ang ama nitong si dating Iloilo Governor Niel Tupas Sr. dahil sa maanomalyang konstruksiyon ng Iloilo airport at pagsibak dito sa serbisyo bunga ng iba’t ibang anomalya.
Hiniling din ng chief Ombudsman na atasan ang Justice Committee na itigil na ang anupamang proseso sa kaso base sa dalawang nakabinbing reklamo laban sa kanya. Ang dalawang reklamo ay nailatag sa komite noong Agosto 11 bandang 4:47 ng hapon bago ito idineklarang ‘sufficient in form’ noong Setyembre 1, 2010 at ‘in substance’ naman noong Setyembre 7.
Anya, walang impeachment proceedings ang maaaring ikasa nang dalawang beses sa gayunding opisyal sa loob ng isang taon.
Naisampa ang unang reklamo noong Hulyo 22, at ang pagkakahain ng isa pang complaint noong Agosto 3 ay labag na sa 1-taong pagbabawal dito.