P-Noy nangako sa mga guro
MANILA, Philippines - Nangako si Pangulong Aquino sa mga guro na tutugunan niya ang problema ng mga ito sa pagdiriwang ng World Teachers Day kahapon na ginanap sa Phil Sports Arena sa Pasig City.
Sa kanyang talumpati, pinasalamatan ni Aquino ang mga guro sa napakalaking kontribusyon sa paghubog at pagpapaunlad ng kabataan at ng sambayanan. Batid umano niya ang mga kakulangan at pangangailangan ng mga guro na sisikapin ng pamahalaan na matugunan.
Ayon pa kay P-Noy, hindi niya maaabot ang kanyang kinalalagyan ngayon kung hindi dahil sa sakripisyo at pagsisikap ng kanyang mga guro na turuan siya ng tamang asal.
Kumpara sa suweldo ng guro sa mga karatig bansa, maituturing na isa sa pinakamababa ang buwanang sahod na tinatanggap ng isang “entry-level” o bagong teacher sa bansa.
Ayon kay Sen. Loren Legarda, ang bagong guro o “entry-level teacher” sa Singapore ay tumatanggap ng P122,400 (SGD$ 2,600). Sa Japan naman ay P77,889 (JY 156,500); sa Malaysia ay P17, 806 (RM 1,300). Samantalang sa Pilipinas ang isang guro na may kahalintulad na qualifications at skills ay may starting salary na P14,000.
Sinabi Legarda na nasa 500,000 public school teachers ang naghahangad ng mas mataas na sahod.
- Latest
- Trending