Habambuhay sa 8 kidnaper ng Tsinoy
MANILA, Philippines - Habambuhay na pagkabilanggo ang inihatol ng Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) sa walo katao kabilang ang isang babae na napatunayang guilty sa kasong pagdukot sa isang Filipino-Chinese trader noong Disyembre 2001.
Sa 18 pahinang desisyon, sinabi ni QCRTC Judge Theresa Yadao ng Branch 81, ang mga nasentensiyahan ay sina Ric Parcia, Roberto Ferrer, Fernando Somido, Rogelio Bibit at kapatid na si Emma Bibit, Raymund Fruto, Felicito Braga, at dismiss na pulis na si Vilmor Catamco ay positibong naituro ng biktimang si Mae Ling Ang na siyang dumukot sa kanya.
Sa 13 orihinal na akusado, tanging si Parcia, Ferrer, Somido, Rogelio at Emma Bibit, Fruto, Braga at Catamco ang naaresto habang si Joselim Arnuco ay namatay na noong 2003.
Nananatili namang nakakalaya ang iba pang akusadong sina Philip Pagarido, Joel Bunales, Virgilio Corpuz at Rosendo Veloso.
Sa court records, sinasabing si Mae Ling Ang, isang grocery owner sa Malabon City ay nakidnap sa Hulong Duhat, Malabon City noong Disyembre 20, 2001.
Sinabi ng biktima sa korte na pauwi na siya sa kanyang bahay kasama ang tauhan na si Marites Fernando nang harangin ng apat na armadong lalaki at kunin siya palabas ng kanyang sasakyan.
Dalawampung milyon piso ang hiningi ng mga suspect sa pamilya ng biktima.
Sa ikatlong araw ng biktima sa kamay ng mga suspect na- rescue ito ng pulisya habang nasa loob ng isang container van na inabandona sa Agham Road sa Quezon City.
Walang nakuhang ransom ang mga akusado dahil nakahingi agad ng tulong sa NAKTAF ang pamilya ng biktima at saka nahuli ang mga suspek.
- Latest
- Trending