MANILA, Philippines - Hinimok ng Konseho sa Manila City Hall si Manila Mayor Alfredo Lim na ipahinto o suspindihin ang pagpapatupad sa kontrobersyal na ‘expansion project’ ng International Container Terminal Services, Inc. (ICTSI) sa Isla Puting Bato sa Tondo, dahil umano sa paglabag nito sa ilang probisyon ng batas sa ilalim ng RA 6750 o ang Local Government Code.
Ayon sa konseho, gumawa sila ng rekomendasyon matapos silang bumuo ng ad-hoc committee noong Hulyo na tumalakay sa ginawa nilang imbestigasyon noong Sept. 20, matapos mapag-alaman na ang ITCSI at ang Hanjin-Engineering Equipment, Inc. ay lumabag sa Manila Water Code. Gayunman, sinabi ng ilang opisyal sa Philippine Ports Authority (PPA), na tinanguhan nila ang proyekto pero kailangan magkaroon ito ng mga papeles na pinapayagan sila ng Manila City Hall na isulong ang nasabing proyekto.
Natisod ni Vice Mayor Isko Moreno ang may P2 billion proyekto noong nangangampanya sila ni Mayor Lim.