MANILA, Philippines - Ipinapahanap na ng Task Force Bar Operations 2010 ang mga may-ari ng mga sasakyang ginamit sa pagdala sa mga biktima sa pagamutan sa naganap na pagsabog sa huling araw ng Bar Examinations sa harap ng De La Salle University noong Setyembre 26.
Ayon kay Insp. Armando Macaraeg, hepe ng Manila Police District-Homicide Section at namumuno sa investigating team sa naganap na pagsabog, nakikipag-ugnayan sila sa Land Transportation Office (LTO) upang mahanap ang mga may-ari ng mga sasakyan na nagdala sa mga biktima sa mga pagamutan.
“The owners of the vehicles could give vital information in the incident because they are in the area. We need their statement for possible identification of the suspect or suspects,” ayon kay Macaraeg.
Nabatid na nakuha ng awtoridad ang mga plate number ng isa sa mga sasakyang ginamit at sinabing “witness” lamang ito sa kanilang imbestigasyon.
“Nakita namin sa CCTV na isang van yung ginamit para maghatid sa mga biktima. Gusto namin silang makausap para alamin kung ano ang kanilang nalalaman sa kaso,” ayon pa sa opisyal.