MANILA, Philippines - Nagpakita na nang puwersa ang Simbahang Katoliko laban sa plano ni Pangulong Aquino na suportahan ang artificial birth control.
Libu-libong katao ang dumagsa sa Quiapo Church nitong Sabado upang magdaos ng isang pro-life prayer rally, sa pangunguna ng ilang matataas na lider ng Simbahang Katoliko, mga pari, madre, ministro, deboto at mga magulang at estudyante.
Nanawagan ang mga raliyista kay Pangulong Aquino na pag-isipan ang kaniyang posisyon hinggil sa contraception, kasabay nang pagwawagayway ng mga larawan ng mga fetus na ipinalaglag ng kanilang mga ina at mga streamer na may nakasulat na mga katagang “Kontrasepsyon Bahagi ng Globalisasyon,” at “Pondo sa Kontrasepsyon Ilagay sa Edukasyon at Health Services.”
Ito ang kauna-unahang rally na sinuportahan ng Simbahang Katoliko sa ilalim ng administrasyong Aquino.
Tutol rin ang mga demonstrador sa kontrobersiyal na Reproductive Health (RH) bill, na ang layunin ay kontrolin ang lumalaking populasyon ng bansa at pagkalat ng HIV-AIDS sa pamamagitan ng condom at pills.
Una rito, sinabi ni P-Noy na mamamahagi ang pamahalaan ng mga libreng contraceptives sa mga mag-asawang nais magplano ng pamilya.
Bukod sa kilos-protesta, nagbanta na rin ng civil disobedience ang mga Obispo sakaling hindi makinig sa kanilang panawagan si Aquino, at maisabatas na nang tuluyan ang RH bill na hindi anila malayong mangyari ngayong tahasan nang sumusuporta dito ang Pangulo.