MANILA, Philippines - Ang matinding kalungkutan ng mga overseas Filipino workers ang pangunahing dahilan kaya nagkakaroon ng ‘textmate’ na humahantong sa pangangaliwa.
Naniniwala si Fr. Edwin Corros, executive secretary ng CBCP Episcopal Commission on Migrant and Itinerant People, na ang sobrang kalungkutan ang nilalabanan ng mga OFW habang nasa ibang bansa.
Bagama’t karaniwan lamang ang mga textmate upang magkaroon ng kaibigan, sinabi ni Corros na ito naman ang nagiging sagabal upang hindi na mapatatag pa ng isang OFW ang kanyang relasyon sa kanyang naiwang pamilya.
Aniya, mas dapat ding may disiplina at control ang isang OFW at ituon sa kanyang pagta-trabaho ang kanyang atensiyon upang makaiwas sa anumang tukso.
Sinabi ni Corros na mas dapat na maging tuluy-tuloy ang komunikasyon ng OFWs sa kanyang pamilya upang magsilbing inspirasyon sa pagtatrabaho.
Giit ng ECMI, mariin nilang tinututulan ang pag-a-abroad dahil mas nagiging dahilan ito ng pagkakawatak-watak ng bawat pamilya bagama’t nais lamang na maiahon ang kanilang buhay mula sa kahirapan.