MANILA, Philippines - Mahigpit na ipinagbabawal ng Commission on Elections ang pagkandidato sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan elections ng mga “no read, no write”.
Sa panayam kay Comelec Spokesman James Jimenez, isa sa mga kuwalipikasyon ng mga kandidato ay kailangang nakakasulat at nakakabasa ng Tagalog o sariling dialect.
Mahalaga umanong nakakaintindi ang kandidato upang alam niya ang kanyang pinapasok na responsibilidad sa kanyang barangay.
Mayroon kasi aniyang ilang kandidato na sinasagutan ang certificate of candidacy (COC) nang hindi nakaharap sa election officer at inaabot na lang ang certificate dito.
Hindi rin umano nakalagay kung sila ay literate o illiterate kung kaya’t walang nagiging basehan ang Comelec para idiskwalipika ito.
Aminado si Jimenez na mayroong mga kandidato na illiterate na nakakalusot dahil walang nagrereklamo.
Dahil dito, nanawagan si Jimenez sa sinuman na may kilala o alam na kandidatong “no read, no write” na agad ipagharap ng reklamo para sa disqualification proceedings.
Pinaalalahanan pa ni Jimenez ang mga botante na ang barangay at SK polls ay hindi “popularity contest” lamang.
Hindi anya dapat na gawing basehan sa pagboto ang popularidad, galing sa pagsayaw at pag-awit ng isang kandidato. Aniya, ang dapat piliing iboto ay mga taong makapaglilingkod ng maayos para sa kanilang barangay.
Iginiit pa ni Jimenez na ang barangay elections ay dapat ding seryosohin ng mga mamamayan dahil ito’y mahalagang bahagi ng demokrasya.