MANILA, Philippines - Sinorpresa kahapon ni Pangulong Noynoy Aquino ang mga residente ng Baseco, Tondo, Manila ng mamigay ito ng PhilHealth cards sa mahihirap sa paglulunsad ng programang “PhilHealth Sabado”.
Ayon sa Pangulo, ang nasabing hakbang ay simula pa lamang ng nationwide Philhealth registration na kasama sa ipinangako niya sa mga mamamayan.
Kasama ng Pangulo sa pamimigay ng PhilHealth cards sina Manila Mayor Alfredo Lim, DSWD Sec. Dinky Soliman, DILG Sec. Jesse Robredo, at Health Sec. Enrique Ona.
Ayon kay P-Noy, simula pa lamang ito ng pagtupad sa kanyang pangako na susubaybayan at pangangalagaan niya ang kalusugan ng mga mahihirap.
Sa kanyang mensahe, sinabi ng Pangulo na nakalulungkot malaman na batay sa datos, sa 50 pasyente, apat lamang dito ay nabibiyayaan ng PhilHealth.
Tiniyak ni P-Noy na hindi malulustay ang pondong pangkalusugan at hindi magagamit sa pamumulitika.
Ayon naman kay Ona, nasa kalahating milyong pamilya ang inaasahang naiparehistro sa buong maghapon kahapon bilang bagong miyembro ng PhilHealth.
Target aniya nilang mamigay ng mga Philhealth cards sa limang milyong Pilipino sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Sinabi naman ni Lim na mapalad ang mga residente ng Baseco, Tondo dahil sila ang unang napagkalooban ng PhilHeath cards ni Pangulong Aquino na kanilang magagamit upang makapagpa-check up.
Aniya, bukod pa rin ito sa libreng serbisyong medikal na ibinibigay ng pamahalaang lungsod ng Maynila sa mga residente at sinumang nangangailangan ng tulong.
Inaasahan umano na aabot sa 800,000 ang makakatanggap ng PhilHealth cards na maaring gamitin sa loob ng isang taon at puwedeng i-renew.