MANILA, Philippines - Naalarma ang Philippine Drug Enforcement Agency matapos ang pagkakatakas ng isang drug personality mula sa Capiz Provincial Jail nitong September 26, 2010.
Ayon kay PDEA Director General/Senior Undersecretary Dionisio R. Santiago, ang bilanggong si Sulpicio E. Marcelino, Sr. ay itinuturing na “high value” ng drug law enforcement authorities.
Binatikos din ni Santiago, ang maluwag na pagtrato na ibinibigay umano kay Marcelino ng personnel Capiz Provincial Jail.
Ito ay matapos na anyang kumpirmahin ni Acting Provincial Warden Arjuna T. Yngcong sa kanyang opisyal na ulat kay Capiz Governor Victor A. Tanco, kung saan sinabing si Marcelino ay itinuring na “trustee prisoner”, na nangangahulugan na may prebilehiyong makagalaw ng malaya sa loob ng jail compound.
Giit pa nito, ang pagkakapuga ng akusado ay magdudulot ng maraming katanungan kung may angkop na pagsisikap sa parte ng mga guwardiya para maiwasan ang pagtakas nito.
Base sa ulat ng Provincial Warden, sinamantala ni Marcelino ang pagdiriwang ng ika 59th Anniversary celebration ng Capiz Rehabilitation Center nang tumakas ito sa kanyang piitan sa pagitan ng alas 2 hanggang alas 3 ng hapon nitong linggo.
Si Marcelino ay nadakip ng Capiz police noong May 7, 2007 at ng PDEA agents sa isang drug operation noong Sept. 26, 2008.