PAL strike pipigilan ng DOLE
MANILA, Philippines - Haharangin umano ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang planong welga ng cabin crew union ng Philippine Airlines (PAL) upang protektahan ang mga pasahero, turismo at ekonomiya ng bansa.
Sa panayam ng media, sinabi ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz na ‘di siya mangingiming gamitin ang kapangyarihan ng kanyang tanggapan sakaling ituloy ang bantang tigil-trabaho ng FASAP o Flight Attendants’ and Stewards’ Association of the Philippines.
Nilinaw ni Baldoz na isa pang pagpupulong ang ipinatawag ng DOLE upang hikayatin ang magkabilang panig na magkaayos. Pag walang kasunduang nabuo, mag-iissue umano siya ng assumption of jurisdiction order upang pigilan ang bantang strike. “Ang nakataya dito ay public interest – iyong interes ng riding public kaya habang dinidesisyunan ko ang kaso, walang galawan,” babala ni Baldoz.
Una rito, ibinasura ng FASAP ang alok ng PAL management na P105-milyong umento, dagdag na maternity benefits at mas mataas na retirement age na 45 years mula sa dating 40 para sa mga cabin attendants. Ang tanging kondisyon ng PAL sa mas mahabang retirement ay payagan ang mga batang domestic cabin crew na lumipad sa international flights.
Bagamat nagpatawag pa ng isang pagpupulong ang labor arbiter na humahawak sa kaso, ito’y tinalikuran ng FASAP sabay deklarasyon ng welga. Target umano ng unyon na magsagawa ng kanilang strike sa katapusan ng Oktubre hanggang unang linggo ng Nobyembre.
Ang panahong ito ay itinuturing na “peak flight season” dahil sa dagsaang pag-uwi sa probinsya ng milyun-milyong Pilipino upang gunitain ang Araw ng mga Patay at dumalaw sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay. Idiniin ng PAL na seryoso itong tapusin ang kaguluhan ngunit sadya umanong nagmamatigas ang unyon.
- Latest
- Trending