Pagtiwalag kay P-Noy binawi ng obispo
MANILA, Philippines - Itinanggi ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) at Tandag Bishop Nereo Odchimar na binantaan niyang ititiwalag mula sa Christian community si Pangulong Aquino sa isyu ng contraceptives.
Sa kanyang statement, sinabi ni Odchimar na ang pakikipagdayalogo ang kanilang isinusulong at pangunahing hakbangin at paraan upang mabigyan ng linaw ang panig ng Pangulo sa kontrobersiyal na isyu.
Aniya, hindi kailangan ang anumang komprontasyon dahil ito ay maselang usapin at ang bantang “excommunication” ay hindi napapanahon.
Ang “excommunication” ay isang religious censure na ginagamit upang pagkaitan o suspendihin ang isang Katoliko mula sa pagiging miyembro nito ng religious community.
Marami anyang grounds ang excommunication at isa na rito ang aborsiyon, kung saan ang pamimigay ng contraceptive ay maituturing aniyang accessory nito.
Tanging kay Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales lamang umano manggagaling ang deklarasyon.
Gayunman, aminado din si Odchimar na ang sentimyento ng mga obispo ay ang kanilang pagkadismaya sa napaulat na posisyon ng Pangulong Aquino sa artificial contraceptives.
Sa kabila nito, nanindigan pa rin si PNoy na hindi magbabago ang kaniyang posisyon hinggil sa pagpaplano ng pamilya kung saan ay binibigyan ng choice ang mag-asawa kung anong method ang kanilang gagamitin.
- Latest
- Trending