La Salle blast, tututukan ko - PNoy
MANILA, Philippines - Nangako si Pangulong Benigno Aquino III na gagawing prayoridad ng gobyerno na mabigyan ng hustisya ang mga naging biktima ng pagsabog sa pagtatapos ng bar examinations noong Linggo sa harap ng De La Salle University sa Taft Ave., Manila.
Dinalaw kahapon ng umaga ni Pangulong Aquino si Raissa Laurel na naputulan ng 2 paa sa Philippine General Hospital. Law student si Laurel ng San Sebastian College at nasa bar operations upang magbigay ng suporta sa kanilang mga kasamahang kumuha ng bar exam.
Siniguro ni P-Noy kay Raissa na makakamit nito ang hustisya matapos siyang maging biktima ng pasabog noong Linggo sa pagtatapos ng bar exam sa DLSU.
Iniutos ni Aquino na imbestigahan at hulihin ang mga sangkot sa nasabing karahasan kung saan ay umabot sa 47 ang nasaktan kabilang si Raissa.
Hinimok din ni Aquino ang mga suspects na sumuko na lamang dahil sinisiguro nitong hahabulin sila ng batas.
Sinabi naman ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, nakahanda ang gobyerno na magbigay ng tulong na pinansyal sa mga biktima para sa kanilang hospitalization.
Samantala, bumuo ang Korte Suprema ng komite na mag-iimbestiga sa naganap na pagsabog sa katatapos na bar exam noong Linggo kung saan ay itinalaga si Justice Martin Villara Jr. bilang chairman habang vice-chair naman si Justice Jose Mendoza kung saan ay inatasan ni Chief Justice Renato Corona ang komite na magsumite ng rekomendasyon hanggang Oct. 15.
Tinutulan naman ni Justice Secretary Leila de Lima ang panukala ni Manila Mayor Alfredo Lim na alisin na ang tradisyong ‘salubong’ sa tuwing huling araw ng bar exam.
Samantala, inamin naman ng Manila Police District (MPD) na nahihirapan silang isulong ang imbestigasyon sa insidente dahil hindi nakikipagtulungan ang ilan sa mga biktima dahil ayaw nilang makaladkad sa isyu ang kanilang fraternity. (Dagdag na ulat ni Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending