MANILA, Philippines - Pito sa 16 opisyal na nililitis sa kasong mutiny kaugnay ng bigong Pebrero 2006 coup plot ang pinawalang-sala sa pagpapatuloy ng General Court Martial (GCM) laban sa mga ito kahapon.
Kinilala ang mga ito na sina Col. Orlando de Leon, Lt. Col. Arcilles Segumalian (retirado), Lt. Col. Custodio Parcon at First Lt. Belinda Ferrer, pawang ng Philippine Marines; Major Jose Leomar Doctolero, Capt. William Upano at First Lt. Homer Estolas na mula naman sa Scout Rangers.
Gayunman, nabigo naman ang siyam pa sa mga ito na madismis ang kaso matapos na hindi katigan ng military court ang inihain nilang mosyon upang mapawalang sala sa kasong paglabag sa Articles of War (AW) 67 ‘attempt to create mutiny’ noong Pebrero 2006.
Ayon sa GCM, walang matibay na ebidensya na magdidiin sa mga ito na sangkot sila sa bigong pagtatangka na ibagsak ang rehimen ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Nagdesisyon naman ang military tribunal sa pamumuno ni GCM President Major Gen. Josue Gaverza na panatilihin ang kaso laban kina dating Marine Commandant Major Gen. Renato Miranda, dating Marine Col. Ariel Querubin; dating Army Scout Ranger Chief Brig. Gen. Danilo Lim at anim pang Marine at Scout Rangers officers na sina Major Jason Aquino at Captains James Sababan, Montano Almodovar, Joey Fontiveros, Isagani Criste at ang retirado na ring si Capt. Dante Langkit.