MANILA, Philippines - Kahit may status quo ante order ang Supreme Court (SC), itinuloy pa rin ng House Committe on Justice ang botohan nito kahapon para isulong ang impeachment proceedings laban kay Ombudsman Merceditas MANILA, Philippines - Gutierrez.
Sa botong 33 pabor, 14 kontra at isang abstain, kinatigan ng mayorya na kasapi sa justice committee na ituloy ang impeachment kontra Gutierrez.
Tumagal ng 3 oras ang debatehan sa inihaing mosyon ng 17 kongresista na sumusuway sa utos ng SC na pansamantalang isuspinde ang proceedings.
Sa kabila nito, sinabi ni committee chairperson Rep. Neil Tupas na wala pa silang naibibigay na schedule kung kailan gagawin ng kanilang komite ang pagdinig, pero malamang umano ay sa Nobyembre pa ito dinggin ng komite.
Gayunman sinabi ni House Speaker Feliciano ‘Sonny’ Belmonte, walang nilabag ang Kamara tungkol sa status quo ante order ng SC dahil hindi pinag-usapan sa Justice committee ang merito ng mga reklamo laban kay Gutierrez.
Samantala, sinipot para himukin ni Gutierrez ang House Committee on Appropriations na dagdagan ang kanilang budget sa 2011 na gawin P3.2 billion pero ang aprubadong budget lamang ng Department of Budget and Management ay P1.109 billion.
Sinabi ni Gutierrez, kailangan madagdagan ang pondo nila para sa karagdagan mga bagong gusali at mga personnel upang mapabilis ang mga isinasalang na kaso sa kanilang tanggapan.
Naniniwala naman si Gutierrez na patas ang mga kongresista sa Kamara at batid niyang pag-aaralan ng mga ito ang reklamo laban sa kanya bago siya husgahan.