MANILA, Philippines - Tinangka umanong suhulan ng P20 milyon ng isang jueteng lord si retired Lingayen-Dagupan archbishop Emeritus Oscar Cruz na ipinadaan sa isa sa kanyang mga pari.
Ayon kay Cruz, hindi niya inakala na may gagawa nito sa kanya. “Ang tingin ata sa akin ay para akong may presyo”, ani Cruz.
Gayunman, magalang naman umanong tinanggihan ng isa niyang pari ang alok ng hindi pinangalanang jueteng lord.
Sinabi umano ng naturang pari na sapat pa ang kanilang pangangailangan at sakaling sila ay kakapusin saka pa lamang sila lalapit dito.
Samantala, inihayag din ng arsobispo ang kanyang pagtestigo bukas sa hearing ng House of Representatives sa jueteng scam na kanyang unang ibinunyag sa Senate Blue Ribbon Committee.
Kasama ni Cruz sa kanyang pagtestigo ang iba pang “jueteng whistle blower”.