MANILA, Philippines - Binalaan si Pangulong Aquino na mag-ingat sa ilang kaalyado nito na mistula umanong “anay” na sumisira sa kanyang administrasyon.
Ayon sa ilang insider sa administrasyong Aquino, isang grupo umano ng mga pulitiko ang kumikilos para maging sentro sila ng kapangyarihan sa Malakanyang sa pamamagitan ng isa-isang pagtanggal sa mga taong pinagkakatiwalaan ni P-Noy.
Pilit umanong inililiko ng ilang sakim sa kapangyarihan ang daang matuwid na nais tahakin ng Pangulo.
Sinasabing kabilang sa mga pulitiko ang ilang kapartido ni Aquino at mga senador at ang agenda umano ng grupo ay isa-isang tanggalin ang mga taong pinagtitiwalaan ni P-Noy.
“Sila ang mga anay na ngayon ay sumasakay sa isyu ng jueteng sa Senado upang madiin si DILG Undersecretary Rico Puno kahit walang mailabas na ebidensya si Bishop Oscar Cruz.” anang source.
Nabatid sa source na “minamanok” ng naturang mga pulitiko si DILG Secretary Jesse Robredo na magugunitang nakaiwas sa malaking responsibilidad sa malagim na Aug. 23 hostage taking.
Pinuna pa na imbes na si Robredo ang pangunahing imbestigahan sa hostage-taking bilang hepe ng DILG, isa pa siya sa naitalagang imbestigador na tinuligsa ng marami.
“Inu-una na nilang targetin si Puno dahil nakita nilang may delikadesa ito nang mag-resign kahit si Secretary Robredo ang dapat umako ng kasalanan sa madugong hostage taking,” anila.
Alam umano ni P-Noy ang game plan ng naturang mga pulitiko kung kaya hindi niya mapapayagan na maipatanggal nila si Puno.
Magugunita na sinabi ni P-Noy na matagal na niyang kakilala si Puno noong nasa oposisyon pa siya kung kaya hindi niya tatanggapin ang pagbibitiw nito sa harap ng alegasyon lang.
Ayon sa Pangulo, karapatan ng bawat Pilipino na mabigyan ng due process dahil napakadaling mag-akusa kahit walang ebidensya.
Sa pagdinig ng Senado kamakailan ay iginiit ni Puno ang paglansag sa jueteng sa pamamagitan ng pagpapalakas sa small town lottery o stl. Aniya maraming jueteng lords ang gumagamit sa STL bilang front ng jueteng kaya dapat linisin ang operasyon nito. Dahil sa pagbubulgar ni Puno, sinasabing binabalikat rin ng jueteng mafia ang nais ng political faction sa Malakanyang na siya ay matanggal.
Dahil dito, asahang sa pagbalik ng Pilipinas mula Amerika ay mahaharap si Pangulong Aquino sa matinding hamon kung papaano lilipulin ang mga “anay” sa kanyang administrasyon.