MANILA, Philippines - Mainit ang naging pagtanggap ng mga kinatawan ng mga bansa na kabilang sa Southeast Asian Nation kay US President Barack Obama sa ginanap na US-ASEAN Summit na dinaluhan ni Pangulong Aquino.
Sa katatapos na US-ASEAN Summit na ginanap sa Waldorf Astoria Hotel sa New York, ipinaabot ng ASEAN leaders kay Obama ang pagtanggap sa presensiya ng Estados Unidos sa ASEAN.
Kaugnay nito, sa kanilang unang pagkikita, nagkamayan sina Obama at Aquino kasabay ng pagpapa-abot ng kanyang pagkilala sa papel na ginagampanan ng Amerika sa Southeast Asia.
Sinabi ni Pangulong Aquino na magkakaisa ang rehiyon kung gagampanan ng China ang papel nito bilang superpower sa mga territorial disputes, sa halip na angkinin lamang na sa kanila ang mga isla sa South China Sea.
Bukod sa Pilipinas, nakikipag-agawan din sa Spratly islands at Paracel Island ang China, Vietnam, Malaysia, Brunei at Taiwan.
Kasabay nito ay idineklara ni Obama na palalakasin pa ang papel ng US sa ASEAN affairs.
Nagkasundo rin ang ASEAN at ang Amerika sa malayang paglalayag, regional stability at respeto sa international law sa rehiyon partikular sa isyu ng Spratly Islands.
Ang nasabing panawagan ay partikular na ipinapabatid ng mga ASEAN nations sa China.