Dahil sa 'kill plot', P-Noy pagagamitin ng wang-wang
MANILA, Philippines - Pinag-iisipan na umano ng Presidential Security Group (PSG) kung pagagamitin na ng wang-wang si Pangulong Aquino sa mga pagbiyahe nito kasunod ng nabunyag na “kill plot” laban sa Presidente.
Nabatid kay AFP Chief of Staff Gen. Ricardo David, totoo man o hindi, sineseryoso ng Armed Forces of the Philippines ang balitang may banta sa buhay ni Pangulong Noynoy.
Sinabi ni David na ang PSG sa pamumuno ni Col. Ramon Mateo “Chito” Dizon ang nangangalaga sa seguridad ni P-Noy.
Sinabi ni David na kinausap siya ni Defense Secretary Voltaire Gazmin hinggil sa kill plot umano laban sa Pangulo.
“The Secretary, already talked to the Presidential Security Group on this concern of the assassinations or any threat to the government and the presidency,” wika niya.
Agad naman niyang inatasan si Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) Chief Brig. Gen. Romulo Bambao na beripikahin kung tsismis lang ang naturang assassination plot.
Una rito, ibinulgar ni Cagayan de Oro City Mayor Vicente Emano ang nasabing kill plot laban kay P-Noy kung saan nabanggit si dating Ozamis City Mayor Reynaldo ‘Aldo‘ Parojinog ng Misamis Occidental na umano’y posibleng magsagawa ng plano.
Sa isang radio interview ay itinanggi ng dating alkalde ang ulat na aniya’y gawa-gawa lamang ng mga kalaban niya sa pulitika.
- Latest
- Trending