MANILA, Philippines - Handa ang Baggerwerken decloedt en Zoon N.V. na makipagtulungan sa pamahalaan ng Pilipinas para masagot ang ilang depektong teknikal para matiyak na matatapos sa Hunyo 2012 ang Laguna Lake Rehabilitation Project.
Ginawa ng BDZ ang pahayag kahapon makaraang sabihin ng mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources sa isang pagdinig sa Senado na maglalatag sila ng mga kundisyon bago sila pumayag na ipagpatuloy ang proyektong ikinontrata noon ng pama halaang Arroyo sa naturang kumpanyang Belgian.
Sa pagdinig sa Senate finance commuttee, sinabi ni DENR Secretary Ramon Paje na kailangang magkaroon ng reforestation sa Marikina watershed, third-party monitoring team na susubaybay sa proyekto at ang pagmamapa sa delineation ng mga hangganan ng Laguna Lake.
Sinabi naman ng BDZ sa pahayag nito na, para matiyak na magtatagumpay ang proyekto, isinama nila ang ganitong usapin sa kontrata dahil isinaalang-alang nila ang pag-aalala ng kabilang panig sa kapaligiran.
Nauna sa Laguna Lake rehabilitation project, kinontrata rin ang BDZ sa Pasig River dredging project na nakumpleto noong Agosto.