Dagdag tax sa yosi, alak oks sa Obispo
MANILA, Philippines - Walang nakikitang mali sa panukalang itaas ang ipinapataw na tax sa mga sigarilyo at alak si Caloocan Bishop Deogracias Iniguez. Jr.
Ayon kay Iñiguez, naniniwala siyang mas makakatulong pa nga ito para mapigil na ang mga bisyo ng paninigarilyo at pag-inom. Sa ibang bansa anya, ay mas mataas ang tax na ipinapataw sa mga sigarilyo at alak.
Una ng sinimulan sa mababang kapulungan ng Kongreso ang pagdinig sa panukalang batas na inihain ni Congressman Erico Aumentado na naglalayong itaas ang pondo ng pamahalaan para sa mga health and education programs.
Kung maipapasa at maging batas ang “sin taxes” ay inaasahang bilyon-bilyong piso ang kikitain ng pamahalaan kada taon at magagamit pa para mapaunlad ang iba’t ibang programa ng gobyerno.
Batay sa pag-aaral ng Philippine Global Adult Tobacco Survey (GATS), aabot sa 17.3 milyong Pilipino ang naninigarilyo na ang pinakabata ay 15- anyos.
Sa kabilang banda, tutol naman ang National Tobacco Administration sa nasabing panukala dahil kapag nangyari ito ay bababa ang demand sa tobacco, at dalawang milyong Pinoy na umaasa sa ‘tobacco farming’ ang maapektuhan.
Sa pag-aaral ng Department of Health (DOH) lumilitaw na ang mga Pinoy ang pinakamalakas uminom ng alak sa buong Southeast Asia. Nabatid na 11 porsyento ng populasyon ng bansa, mula edad 15 hanggang 74, ang umiinom ng alak apat na beses o higit pa sa loob ng isang linggo.
- Latest
- Trending