MANILA, Philippines - Isasailalim sa lifestyle check ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga personalidad na sinasabing tumatanggap ng pera mula sa illegal na sugal na jueteng.
Sa isang press conference, sinabi ni BIR Commissioner Kim Jacinto-Henares na ang imbestigasyon ay sisimulan sa talaan ng mga pangalan na binubusisi ng Senado kaugnay ng jueteng payola issue.
Ani Henares, ang gagawing lifestyle check ay malalaman kung ang impormasyon ng mga pinaghihinalaang opisyales na sangkot sa jueteng ay nagbabayad ng tamang buwis sa pamahalaan at kung saan nagmumula ang kanilang kita.
Hindi naman nilinaw ni Henares kung ang mga personalidad na nasangkot sa jueteng sa nagdaang mga taon ay kasama nilang bubusisiin.