MANILA, Philippines - Dahil sa kabiguan ng gobyerno na mabigyan sila ng proteksyon, sinabi ni whistle-blower Sandra Cam na nag-aaral na sila ngayong gumamit ng baril.
Sa hearing kahapon ng Senate Committee on Justice ukol sa Whistle-blower Protection Act, sinabi ni Cam na meron siyang kaibigan na naawa sa kanila kaya’t ibibili sila ng kalibre .45 na baril.
Umapela si Cam sa Philippine National Police na sana naman daw ay isyuhan sila ng lisensya at permit to carry firearms.
Una rito naglabas ng sama ng loob si Cam sa pagsasabing sumulat na sila kina Pangulong Noynoy Aquino at Justice Secretary Leila de Lima pero hanggang sa ngayon ay walang aksyon sa kanilang mga hinaing na kakulangan ng proteksiyon.
Dalawang buwan na ang nakalilipas ay nag-apply umano sila Cam sa witness protection program ng DOJ pero “under evaluation” pa rin ito hangang sa ngayon kahit na inindorso ng Senate Blue Ribbon committee ang kanilang aplikasyon.