P300-milyong payola sa PNP at DILG
MANILA, Philippines - Matapos ang mahigit na isang buwang pag-absent sa Senado, muling bumanat si Senator Miriam Defensor-Santiago kung saan ibinunyag niyang umaabot sa P300 milyon mula P30 bilyon kita sa jueteng ang pinaghahatian ng kalihim ng Department of Interior and Local Government at ng chief ng Philippine National Police taun-taon.
Sa talumpati ni Santiago na may pamagat na “DILG + PNP = Jueteng”, sinabi nito na isang porsiyento mula sa gross receipts mula sa jueteng ang pinaghahatian ng PNP chief at interior secretary base sa kanilang kasunduan.
Ang pera umano mula sa jueteng ay tinatawag na gross receipts at base sa kaniyang impormasyon, sa Luzon, nangunguna sa laki ng kita araw-araw sa jueteng ang Laguna, P14 milyon; Pampanga, P9 milyon; Pangasinan, P9M; Batangas, P8.5M; Bulacan, P8M; Nueva Ecija, P7.5M; at Quezon, P7.5M.
Sinabi ni Santiago na mula sa mga nabanggit na kita araw-araw, 2 porsiyento ang napupunta sa mga Cabo; 10% sa mga Cobrador; 22% sa Management.
Isang porsiyento umano ang napupunta sa mga sindikato na kinabibilangan ng DILG Secretary o undersecretary, PNP chief, at CIDG head.
Pinasabog din ni Santiago na ang “Top Operators” ng jueteng mula Region 1 hanggang Region 5 ay sina Atong Ang, Danny Soriano, Bong Pineda, Aging Lisan, at Tony Santos.
Kasama rin sa binanggit sina Gov. Chavit Singson, Cong. Singson, isang Ronald Lim, isang Col. delos Santos, Bonito Singson, Urduna, Boy Bata, Elmer Nepomuceno, Don Ramon, Boyet Aransa, isang Haruta, isang Sanchez, Cezar Reyes at Eddie Gonzales.
Ayon kay Santiago, lumalabas na hindi talaga kayang sugpuin ng gobyerno ang jueteng lalo pa’t nagsasabwatan ang DILG at PNP.
Dahil hindi naman umano mawala ang jueteng, mas makakabuti pang i-regulate ito upang magkaroon ng pera ang gobyerno, sabi ng senadora.
Sa isang pahayag, itinanggi naman ni Atong Ang na siya ang nasa likod ng mga expose ni retired Archbishop Oscar Cruz.
“All the innuendos are the tactics of gambling operators to divert the attention of the investigation. They fed wrong information so that the senate inquiry turns their noses on me,” wika ni Ang.
Iginiit niya na hindi kailanman siya nasangkot sa alinmang illegal numbers game partikular ang jueteng.
- Latest
- Trending