ANTIPOLO CITY, Rizal, Philippines – Dismayado si Rizal Governor Jun Ynares sa napabalitang pagbabawas ng 2011 badyet para sa mga pampublikong ospital sa buong bansa, kabilang na ang anim na ospital sa lalawigan ng Rizal. Tinawag ng mga solon at mga opisyal ng lokal na pamahalaan na anti-poor ang pagbawas ng 42 porsiyentong alokasyon sa 2011 badyet ng mga pampublikong ospital sa bansa na nagbunsod ng negatibong mga reaksyon. “Hindi dapat ipasa ang pasakit sa mga pampublikong ospital na resulta ng talamak na kurapsyon sa gobyerno, lalo na at ang mga mahihirap na Pinoy ay wala man lang kakayahang magkaroon ng disenteng serbisyo-medikal dahil sa kahirapan,” pahayag ni Ynares na isa ring doctor.
Kabilang sa mga ospital sa Rizal na naapektuhan ay matatagpuan sa Antipolo City, Angono, Binangonan, Morong, Pililla at Jalajala. Ang mga ospital na ito ay binibigyan ng pamahalaang panlalawigan ng subsidiya at pinaglalaanan ng may 11.74 porsiyento ng taunang badyet, kumpara sa maliit na 1.68 porsiyento ng pambansang badyet na nakalaan sa Department of Health. Ilan sa mga ospital na dumanas ng matinding pagbabawas ng pondo ay ang East Avenue Medical Center, Quirino Memorial Medical Center at Amang Rodriguez Medical Center.