MANILA, Philippines - Kinumpirma na ng Embahada ng Belgium ang kanilang pagsuporta sa Laguna Lake Rehabilitation Project.
Nakasaad sa sagot ni Ambassador Christian Meerschman sa liham ni dating DENR Secretary Horacio Ramos na may petsang Hunyo 10, 2010, na naghahanda ng pera ang BNPP-Fortis para sa Laguna Lake Rehabilitation project sa ilalim ng Office National du Ducroire (ONDD) export credit facility.
Ang ONDD ay isang Belgian Public Export Agency na itinatag noong 1921 ng Estado ng Belhika at gumagalaw bilang isang institusyon ng pamahalaan na autonomous at may garantiya ng Belgium.
Ang liham ni Meerschman ay nagpapatunay na mali ang alegasyon ng mga bumabatikos sa proyekto na ito ay walang suporta ng Brussels at hindi maaaring ituring na gawain na sasailalim ng Official Development Assistance Act.
Isang malaking dagok ang liham na ito sa mga kumakalaban sa proyekto at magsisilbi rin namang dagdag na argumento para sa mga tumatangkilik nito.
Matatandaan na sumulat ang daan-daang naninirahan sa paligid ng Laguna de Bay kay Pangulong Benigno Aquino II noong Setyembre 13 upang hilingin na ituloy na ang nabibinbing proyekto na siyang magpapalalim sa 94,900-ektaryang lawa at magbubukas ng mga channels na daanan ng mga bangka at barges at magtatatag din ng ferry system at fishports.
Sinuspinde ni Finance Secretary Cesar Purisima ang proyekto dahil sa mga batikos ni Sen. Franklin Drilon, ang tagapangulo ng komite sa pananalapi ng Senado.